Kanina paglabas ko ng bahay, ang laki ng baha. Sa loob pa lang ng bakuran ay mataas na ang tubig. Maraming salamat sa kapitbahay namin dahil naglagay sya ng matutungtungan ko para hindi lumubog ang paa ko. Pwede na rin. Ang nabasa lang ay ang talampakan ko, salamat. Paglabas ko ng gate, sinalubong ako ng tatlong mga bata at sabi nila, "Ate, wala ka bang bota? Ang taas kasi ng baha kahit saan ka dumaan. Kung gusto mo, itaas mo na lang ang pantalon mo para hindi mabasa." Ang sweet nila no? Kung iisipin mo, hindi man nila ako kilala pero kinausap nila ako at nagpakita ng "concern" sa akin. Natuwa naman ako. Sinamahan pa nila ako sa shortcut para maiwasan ko yung malaking tubig. At para lalo pa akong matuwa, itinawag pa nila ako ng bike na maghahatid sa akin sa sakayan ng dyip para hindi na ako mapagod. Ano ang kapalit? Wala. Pagkaalis ko ay nakangiti silang nagpaalam sa akin. Nakakatuwa talaga.
Tinanong ko yung manong na nagmamaneho ng bike kung bakit baha samantalang hindi naman umulan. Sabi nya high tide kasi. Naalala ko tuloy na sabi nga pala ng kapatid ko, sa likod lang namin ang piyer, kaya siguro ganun. Sabi pa ni manong ay hanggang Sabado pa ang high tide kaya ilang araw pang titiisin ang baha sa lugar namin.
Para lang sa kabatiran ng lahat, ayaw ko kasi ng baha. Ayaw na ayaw. Pag nakakita ako ng baha, isa lang ang pumapasok sa isip ko ng paulit ulit. Leptospirosis, Leptospirosis, Leptospirosis, Leptospirosis, Leptospirosis, Leptospirosis, Leptospirosis.
1 comment:
ako din, ayoko ng baha!!
Post a Comment